PINAG-UUSAPAN ang tungkol sa ATM na ginagawang prenda para sa pangungutang.
Napapanahon na nga ba na kailangang itigil na ang ganitong gawain.
Sinasabing wala namang batas na nagbabawal sa pagpapautang na nagsisilbing kolateral ang ATM.
Kasi naman ay dahil nasa pag-uusap o kasunduan sa pagitan ng nagpapautang at nangungutang.
Maaari sigurong ipagbawal ang ganitong sistema depende sa sitwasyon.
Kung ang pera na ilalaman sa ATM ay nakalaan bilang tulong o ayuda ay tila hindi nga tama na iprenda ito para makautang.
Lalo kung ang pera na papasok sa ATM ay manggagaling sa gobyerno.
May nagsasabi na kung suweldo naman bilang empleyado kahit sa gobyerno o pribado ay ubrang gawing kolateral ang ATM sa pangungutang.
‘Ika nga nila kapit sa patalim kapag may dumating na pagkakataong biglaang gastusin na pangungutang ang katugunan.
Matagal ng isyu ang tungkol sa sanla-ATM sa mga private establishment man o government agencies.
Mistulang Bumbay style na 5-6 o kalimitan ang tumatanggap ng sanla-ATM ay kumukuha ng dalawampung (20) porsiyentong tubo o interes.
Mayroong mautak o siguristang tumatanggap ng sanla-ATM na bago magbitiw ng perang pauutang ay tinitiyak sa mga pagador o paymaster ang estado ng empleyado.
Magbibigay na lang ng ‘pamiryenda’ o konting pakunsuwelo sa nagpapasuweldo para makasiguro.
Ilan sa mga kababayan natin na ginawa na itong hanapbuhay pero tila ang iba na tumatanggap ng sanla-ATM ay mistulang kaluluwa naman nila ay naisasanla na rin sa impiyerno.
Bakit?
Bukod sa sobrang taas ng interes o tubo ay maigsi pa ang palugit na araw o panahon na ibinibigay sa umuutang.
Nangyayari kasi minsan na umiikot lamang sa tubo o interes at hindi nababawasan ang perang inutang.
Gipitan kumbaga, gipit na nga ang umuutang ay lalo pang ginigipit.
Hindi ba, tumatanggap nga ng sanla-ATM na hindi alam na kaluluwa nila ay naisasanla na sa demonyo.
Doon naman sa nagsasanla ng ATM o nangungutang, bawas-bawasan na rin dahil baka dumating ang panahon na hindi mamalayan na maisasanla na rin sa demonyo ang kaluluwa.
‘Wag naman sana!