‘Santong-paspasan’

TUWING mayroong nangyayaring vehicular accident ay halos iisa ang palaging sinasabi ng kapulisan o maging ng mga traffic enforcer at iba pang sangay na may kaugnayan sa pagpapatupad ng batas-trapiko.

Hindi daw dapat nagmamaneho na nasa impluwensiya ng alak, puyat o inaantok at huwag gagamit ng cellphone o gadget.

Ang higit na pinapaalalahanan ng mga kinakaukulan ay ang lahat ng rider.

Dapat ay nakasuot ng proper helmet and outfit na ibig sabihin ay hindi nakatsinelas, nakasando at nakashorts.

Tanong lamang ay nakukuha pa ba sa mga pagpapaalala ang mga driver at rider?

Mayroon naman na sadyang responsable subalit mabibilang na lamang marahil sa daliri lalo na sa mga nagmamaneho ng motorsiklo o kahit iyong mga umaangkas.

Sila iyong humahawak ng manibela na hindi lamang kaligtasan ng sarili ang nasa isip kundi maging ng iba pa.

Kaya naman kahit hindi sila paalalahanan ay mayroong kusang-palo.

Gayunman ang matinding problema ay sa mga lubhang matitigas ang ulo lalo at kakambal pa ang kayabangan.

Hindi lamang kapwa driver o rider ang nadadamay bagkus pati mga inosenteng indibidwal.

Dahil wala na ngang kusang-palo tapos ay may kaakibat pang kahambugan ay hindi na talaga uubra ang paalala.

Sa puntong ito ay maaari namang solusyunan ng mga may kaangyarihan ang ganitong problema.

‘Ika nga, kung hindi nakukuha sa santong-dasalanan ay sa santong-paspasan idaan.

Makakaya o magagawa naman ng mga awtoridad na magpatupad ng kamay na bakal upang mapalambot o mapasunod ang mga pasaway.