INILUNSAD ang kauna-unahang ‘Senate Assist’ fair sa Central Luzon.
Ito ay ginanap kamakailan sa SM City Clark.
Ang anak ni Senator Lito Lapid na si Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority Chief Operating Officer Mark Lapid ang nanguna sa paglulunsad nito sa rehiyon.
Katuwang ni Lapid ang misis ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na si Nancy gayundin ang anak ni Senador Raffy Tulfo na si Maricel bilang kinatawan ng Senate Spouses Foundation Inc.
Ang SSFI ang nagtataguyod ng naturang programa habang ang ‘Senate Assist’ ay inilunsad kaugnay ng pagdiriwang ng ika-108 anibersaryo sa pagkakatatag ng Senado ng Pilipinas noong 1916.
Hindi naman kaila na ang Senado ay matagal o noon pa namamahagi ng tulong sa bawat indibibwal.
Maganda ang ideya ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero para pagsamahin o pag-isahin na lamang ang pamamaraan ng ‘Senate Assist.’
Kasi nga naman ay hindi na kailangan pa na pumunta sa opisina ng Senado sa Pasay City ang bawat humihingi ng tulong.
Sa idinaos sa Gitnang Luzon ay maraming nabenepisyuhan sa serbisyong handog na medical assistance.
Kabilang na ang dialysis at chemotherapy para sa mga maralitang hirap o hindi kayang magpagamot o kaya naman ay walang pambili ng gamot.
Nagkakaloob din ang ‘Senate Assist’ ng social assistance halimbawa ay tulong pantrasportasyon o pamasahe para sa mga gusto ng makauwi ng kanilang probinsiya subalit hindi kaya.
Kasama rin ang burial assistance at iba pa.