Si Ambassador Romualdez at ang Amerika

TILA nakakalimutan na ni Ginoong Jose Manuel “Babe” Romualdez ang Philippine Ambassador sa Estados Unidos na siya ay isang Filipino at pinsan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong”Romualdez Marcos Jr. At sinasabi ng ilan na dahil sa kamag-anak siya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos,Jr. ay maaari na niyang panghimasukan ang mga desisyon ng kanyang pinsan.

Kapansin pansin din ang pagbalewala ni Ginoong Jose Manuel Romualdez sa kanyang pinsan na si Pangulong “Bongbong” dahil sa mga pagkiling nito sa Amerika. Mas maraming oras ang ginugugol at inilalaan ni Ambassador Romualdez sa pagsuporta sa militarisasyon ng US sa Pilipinas kesa sa pagtuunan ng pansin kung papaanong matutulungan atmapoprotektahan ang nanganganib na mga manggagawang Filipino sa bansang Amerika.

Sa halip na tulungan namakamit ng mga Filipinong biktima ng karahasan sa Amerika ang hustisya, pinapayuhan lamang ni Ambassador Romualdez ang mga Filipino duon na huwag lalabas ng bahay na nag-iisa dapat ay mayroon itong kasamang kapwa niya Filipino.

Minsan na niyang pinangunahan ang Pangulo sa pagsasabi sa mga taga-media na pinag-aaralan na ng pamahalaan ng Pilipinas ang hinggil sa mga panukalang karagdagang US military bases sa bansa.

Aniya maaaring payagan na ni President “Bongbong” Marcos Jr angpaglalagay ng mga karagdang military bases at facilities ng mga sundalong Amerikano dito sa Pilipinas batay na rin sa nilagdaang Enhanced Defense Cooperation Agreement or EDCA sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos.

Ang ginawang ito ni Romualdez ay tahasang paglabag sa Saligang Batas ng Pilipinas kung saan nakasaad na tanging ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas ang siyang dapat magdedesisyon at maghahayag ng hinggil sa anumang usapin na may kinalaman sa patakarang panlabas o foreign policy ng bansa. Ni hindi nga siya ang Secretary ng Department of Foreign Affairs pero nagawa niyang magsalita ukol sa EDCA.

Alam kaya ni Ambassador Romualdez na ang kanyang mga pinag-gagagawa ay magdudulot ng kapahamakan kay Pangulong “Bongbong” Marcos Jr? At itinutulak ba nito ang bansang Pilipinas na makisali sa digmaan sakaling matuloy ang giyera sa pagitan ng China at Amerika?

Naisip kaya ni Ambassador Romualdez kung sino ang makikinabang kung sakaling matuloy ang giyera dito?

Marami pang kapalpakan si Ambassador Romualdez at kabilang dito ang pagmamalaki niyang kaibigan niya ang ilang mga matataas na opisyal ng US kaya nga marami nang nakuha na concessions ang Estados Unidos mula sa Pilipinas sa pamamagitan ni Ambassador Romualdez pero hanggang ngayon ay bigo pa rin ito na makakuha ng trade benefits mula sa Amerika para sa bansang Pilipinas.

Dahil sa nangyayari ay hindi maiwasan na magtanong o magduda ang ilan kung kanino ba talaga panig si Ambassador Romualdez, sa Pilipinas ba or sa Amerika?