SKY LOVER, WAGI SA MAIDEN RACE!

Lumutang ang talento ng kabayong si Sky Lover matapos manalo sa ginanap na 3YO & Above Maiden Race na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Hindi na nagpatumpik tumpik ang apprentice rider na si John Allyson Pabilic sa ibabaw ng kanyang sakay na si Sky Lover na kumayod ng maaga para hindi mabitin sa igsi ng karera. Sa largahan ay maganda ang naging salida sa tabing balya ni Flashy Bell na ginabayan ni Pablito Cabalejo, kasabay sa bandang gitna si Golden Jaraywa na pinatnubayan ni Ryan Base, kumakaskas naman sa gawing labas ang ating bida na si Sky Lover, pang-apat si Dreamsofthewolrd na minaniobra ni Patricio Dilema, panlima si Fantastic Silver na pinatungan ni Marion Ellos, pang-anim si Oras Na na nirendahan ni Adrian Bufete, habang si Cat’s Whiskers na lulan ni Rico Suson ang bugaw sa simula. Papasok sa far turn ay halos magpantay sa unahan ang kuarto liyamado na si Flashy Bell at ang segundo liyamado na si Sky Lover at nagkaroon ng matinding bakbakan, kasunod ng may tatlong kabayong agwat ang paborito na si Dreamsoftheworld, pang-apat ang tersero liyamado na si Golden Jaraywa, panlima ang ikalawa sa pinakadehado na si Fantastic Silver, pang-anim ang pinakadehado na si Oras Na, habang ang quinto liyamado na si Cat’s Whiskers ay nanatili sa likuran. Papalapit sa home stretch ay nakalamang na ng bahagya ang winning horse na si Sky Lover, habang pinipilit pa rin ni Flashy Bell na makabalik sa harapan, umaarangkada naman sa gawing labas si Dreamsoftheworld at rumeremate sa tabing balya si Golden Jaraywa. Pagdating sa rektahan ay binagsakan na ng todo ni John Allyson ang kanyang sakay na si Sky Lover upang masiguro ang panalo at tinawid ang meta ng may dalawang kabayong kalamangan. Pumorkas kay Sky Lover si Dreamsoftheworld, pasok sa trifecta si Golden Jaraywa at si Flashy Bell ang bumuo sa quartet. Nakapagtala si Sky Lover ng tiyempong 1:01 (13′-22-25′) para sa distansyang 1,000 meter.