SKY STORY, NANGIBABAW!

Nangibabaw ang galing ng top choice na kabayo na si Sky Story sa ginanap na Philracom Ratings- Based Handicapping System (RBHS) Class 4 (28-33) na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan, Batangas. Hindi binigo ng hineteng si Conrad Bojie Henson ang mga liyamadista lalo na ang mga sumuporta at tumaya sa kanyang sakay na si Sky Story na nagtrabaho antimano upang matiyak ang panalo. Sa largahan ay nakauna sa paglundag si Don Lucas na nirendahan ni Jerico Serrano, ngunit agad naman na humataw si Oktubre Katorse na pinatungan ni JR De Ocampo upang makuha ang bandera, agad din na umarangkada ang ating bida na si Sky Story sa gawing labas para makipagsabayan sa unahan, pang-apat si Port Kennedy na sinakyan ni Rodeo Fernandez, panlima ng may apat na kabayong agwat si Nicole’s Favorite na ginabayan ni Jonathan Hernandez, habang si Boysofmeadows na pinatnubayan ni Ryan Jay Tabor ang kulelat sa umpisa. Pagpihit sa back stretch ay dali-dali na inagaw ng paboritong si Sky Story ang bandera, ngunit nakikipag bakbakan pa rin ang segundo liyamado na si Oktubre Katorse at ayaw isuko basta-basta ang unahan, nasa ikatlong puwesto ng may limang kabayong agwat ang kuarto liyamado na si Port Kennedy, kasabay ang tersero liyamado na si Don Lucas, nasa ikalimang posisyon naman ang quinto liyamado na si Nicole’s Favorite, habang ang pinaka dehado na si Boysofmeadows ay nanatiling bugaw. Papasok sa far turn ay nagsimula ng kumalas sa harapan si Sky Story, habang pinipilit pa rin na makabalik ni Oktubre Katorse, nagsimula na rin magpainit si Port Kennedy at rumeremate ng matulis si Don Lucas. Pagdating sa home stretch ay patuloy pa rin ang pagbayo at pagkayog ni Bojie sa ibabaw ng ating winning horse kaya nagdire-diretso pa ang pag-igtad ni Sky Story at tinapos ang laban ng may malayong kalamangan. Pumorkas kay Sky Story si Don Lucas, pasok sa trifecta si Oktubre Katorse, at si Port Kennedy ang bumuo sa quartet. Naorasan si Sky Story ng tiyempong 1:25.8 (13′-21′-23-27′)  para sa distansyang 1,400 meter.