‘SONA ol’ at palakasan ba sa Cavite police?  

NAGMAMANEHO ng motorsiklo si Pedro at kabilang siya sa pinahinto ng mga pulis para sa kaukulang checkpoint.

Hulyo 21 iyon at kaya medyo aktibo ang kapulisan sa pagsasagawa ng checkpoint o oplan sita ay dahil SONA ni Pangulong Bongbong Marcos nitong Hulyo 22.

Kumusta para sa inyo ang natapos na SONA ni PBBM?

Balikan muna natin ang checkpoint at ang tagpong iyon ay sa Cavite.

Nakahinto na si Pedro pero hindi pa nilalapitan ng pulis na nagpahinto.

May pinahinto pa kasi ang pulis na isang pamasadang traysikel pero hindi sumagot sa tanong.

Tanong ng pulis ay kung mayroon bang lisensiya ang tricycle driver.

Sagot ng driver ay saglit lang at pupuntahan ang kakilalang isang pulis na kasama sa nagpapatupad ng checkpoint.

Malinaw na walang lisensiya ang tsuper ng traysikel subalit buwenas pa rin dahil nakita ang kilalang pulis.

In short ay absuwelto na ang tsuper at pinasibad na ang kanyang traysikel saka pa lamang nilapitan ng parak si Pedro at iba pang napahintong rider para kausapin at tingnan ang lisensiya.

Maliit na bagay o usapin lamang ba ito?

Doon tayo uli sa SONA ng ating pangulo na batay sa talumpati ay labanan daw ang mali at masama.

Mali ba at masama ang eksena sa police checkpoint na iyon sa Cavite?

Komento tuloy ng iba, ‘SONA ol’ daw.

Sana raw lahat ay malakas daw sa kapulisan.

Speaking of ‘palakasan’ sa kapulisan ay sadyang may malakas daw na gambling operator sa pulisya ng Cavite.

Patuloy ang pamamayagpag ng ‘pergalan’ at isang peryanteng nagngangalang Egay ang ipinangangalandakan ang kanyang lakas sa kapulisan ng lalawigan.

Ganyan ba ang kapulisan sa Cavite na palakasan ang pinaiiral?

Kung hindi nahihiya ang Cavite Police kay PBBM ay doon man lang sa mamamayan ng lalawigan na lumalaban ng patas.

Hehehe, kung kay PBBM nga eh hindi nahihiya…sa mamamayan pa kaya ng Cavite.