SONG OF SILVER, KUMINANG!

Kuminang ang galing ng tersero liyamadong kabayo na si Song Of Silver matapos magwagi sa ginanap na Philracom Ratings- Based Handicapping System RBHS Class 5 R6-10 (S) na inilarga sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan, Batangas. Lulan ng baguhan na hinete na si Marlon P. Canete ay mahusay na isinabay ang kanyang sakay na si Song Of Silver at sumunod sunod lang sa unahan upang makadiskarte at tiyak na makaremate pagdating sa rektahan. Sa pagbukas ng aparato ay bumandera antimano si Markees Angel na ginabayan ni Ramon Raquel Jr., kasabay sa gawing labas si Yakapin Mo Ako na pinatnubayan ni Claro Pare Jr., pangatlo ang ating bida na si Song Of Silver, kasunod ng may tatlong kabayong agwat si Adorable Felicia na nirendahan ni ED Camanero Jr., panlima si Double Rock na pinatungan ni Jonathan Hernandez, kasabay si Princess Isabelle na minaniobra ni John Allyson Pabilic, pampito si Dollarama na dinala ni Jonel Calagos, habang si Salugnon na sakay ni Jeffrrey Bacaycay ang bugaw sa simula. Pagpihit sa back stretch ay tangan pa rin ng kuarto liyamado na si Markees Angel ang unahan, kasunod na ang tersero liyamado na si Song Of Silver, nalipat sa ikatlong puwesto ang pangalawa sa pinakadehado na si Yakapin Mo Ako, pang-apat ang pinakadehado na si Adorable Felicia, panlima ang quinto liyamado na si Double Rock, kasabay ang paborito na si Princess Isabelle, pampito ang segundo liyamado na si Dollarama, habang ang pang-anim sa liyamado na si Salugnon ay nanatili sa likuran. Pagsapit sa far turn ay wala pa rin nagbago sa unahan, hawak pa rin ni Markees Angel ang bandera at nakakapit pa rin sa ikalawang posisyon si Song Of Silver, humaharurot naman sa ikatlong puwesto si Adorable Felicia at nalipat sa ika-apat si Yakapin Mo Ako, habang rumeremate sa likuran sina Princess Isabelle, Double Rock at Dollarama. Pagpasok sa home stretch ay malakas ang pagbulusok ni Adorable Felicia sa tabing balya dahilan upang maagaw ang bandera sa nauupos na si Markees Angel, habang kumakaripas sa gawing labas si Song Of Silver na determinadong manalo kaya pagdating sa huling 150 meter ay binagsakan na ng todo ni Marlon ang kanyang sakay upang makaungos sa harapan. Sa huling 50 meter ay naging klaro na ang kalamangan ng winning horse na si Song Of Silver at tinawid ang meta ng may isa’t kalahating agwat. Pumorkas kay Song Of Silver ang pinakadehado na si Adorable Felicia, pasok sa trifecta si Dollarama at si Double Rock ang bumuo sa quartet. Nakapagrehistro si Song Of Silver ng tiyempong 1:29 (14-23′-24-27′) para sa distansyang 1,400 meter.