PATAT sang staff ni Cavite 1st District Representative Jolo Revilla makaraang bumangga ang minamanehong motorsiko sa Isuzu Ref Van sa Noveleta, Cavite, Martes ng gabi.
Isinugod pa sa Divine Grace Medical Center ang biktima na si Rey Arevalo y Barotilla, 34, may-asawa, ng Camia St., Green Valley, Molino II, Bacoor City, subalit namatay habang ginagamot.
Kinilala ang driver ng Isuzu Ref van na may plakang NFL 3644 na si Edwin Jaena y Tabano, 48, ng Blk 61 Lot 6A Lapaz Homes Brgy. Cabezas, Trece Martires City.
Sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-8:15 ng gabi kung saan binabagtas ni Jaena ang kahabaan ng Manila-Cavite Road patungo sa direksiyon ng Cavite City.
Minamaneho naman ng biktima ang kanyang kulay Mattle dark gray na motorsklo na Mio Gear na may plakang D122FC sa nasabing lugar patungo sa direksyon ng Noveleta town proper.
Pagasapit sa Brgy San Rafael IV, Noveleta ay ipinihit umano ng biktima ang kanyang motorsiklo sa opposite lane kaya aksidenteng bumangga sa Isuzu van.
Dahil sa pangyayari ay tumilapon mula sa kanyang motorsiklo ang biktima sa sementong kalsada dahilan ng malalang sugat.
Isinugod sa ospital subalit namatay ito habang ginagamot bandang alas-4:00 ng madaling araw.
Sa Facebook account ni Cavite 1st District Representative Jolo Revilla, nagpaabot ito ng pakikiramay sa pamilya ng naulila.
Ayon kay Revilla, si Rey na tinawag niyang “Rey Areglado” dahil 100% sure na tapos at successful ang trabaho nito basta siya ang gumagawa, ay pinakauna niyang staff noong nagsisimula pa lamang sa pulitika bilang kapitan ng barangay. GENE ADSUARA