MAGANDANG pakinggan ang sinasabi ng ilan sa mga nagmula sa hirap na yumaman dahil sa pagtityaga at pagsusumikap.
Karamihan sa kanila ay halos iisa ang sinasabi na kung nagawa nila ay magagawa rin ng iba.
Ibig sabihin na kung dati ay mahirap sila ay magagawa rin ng mahirap sa ngayon na yumaman din tulad nila.
Okey naman ang ganitong pahayag bilang pagbibigay ng inspirasyon at panghihikayat sa iba.
Iyon nga lamang ay sadyang hindi magkakatulad ang kapalaran ng bawat tao.
Marami naman ang todo sa pagsisikap at ginagawa ang lahat para matamo ang inaasam subalit nabibigo.
Bukod sa pagpupursige ay sinasamahan pa ng taimtim na pagdarasal para sa inaasam na tagumpay.
Pero bakit sa kabila ng lahat ay tila mailap ang kapalaran samantalang pursigido naman at hindi basta sumusuko sa ano mang hamon o pagsubok.
Nagtatanong kung ano pa ba ang kulang at sa huli ay tinatanggap na lamang na tila hindi talaga nakatadhana ang pagyaman o pag-asenso.
Kung nananatiling bigo, marahil ay makakabuting sumubok ng ibang trabaho o negosyo at baka naroroon ang tamang kapalaran.
Ang mahalaga lamang ay huwag susuko at sa halip ay sige lamang sa pakikibaka sa iba’t ibang hamon o laban.
Kung sadyang hindi kapalaran ang pagyaman o pag-asenso ay mayroon sigurong dahilan ang Poong Maykapal.
Sabi nga eh, tanging Diyos lamang ang nakakaalam.