MAGKASAMA sa trabaho sina biktima at suspek.
Iisang kumpanya lamang subalit magkaiba ng departamento.
Medyo bago pa lamang si biktima habang si suspek ay matagal na kaya kahit paano ay mayroon ng posisyon sa trabaho,
Biktima, kasi bilang complainant at suspek dahil inirereklamo.
Nag-ugat ang lahat sa pagyayaan sa pag-iinuman na silang dalawa lamang.
Pagkatapos ng tomaan ay humantong na sa romantiko o pribadong lugar.
Pero nauwi naman sa pagrereklamo at pagkakaso na may kaugnayan sa sekswal na pang-aabuso.
Sina biktima at suspek lamang ang nasa private room kaya tanging sila lamang dalawa ang sadyang nakakaalam ng buong pangyayari.
Nakabatay sa mahusay na pag-iimbestiga at pagkalap ng matitibay na ebidensiya para matukoy kung sino ang nagsasabi ng totoo o ang nagsisinungaling.
Si biktima ay naghabla sa pulisya at nagreklamo sa kumpanya laban kay suspek.
Tinanggap naman ng kumpanya ang reklamo subalit may ipinatutupan na panuntunan.
Susulatan at ipapatawag si suspek na bibigyan ng ilang kaukulang araw para sa kanyang tugon bago ang aksiyon ng kumpanya para sa suspensiyon kung kinakailangan at nararapat.
Nagkataon na may kilalang ‘sinasabing tao’ si biktima na nagtungo sa kumpanya.
Mistulang hari makadikta at makautos sa kumpanya na agad-agad dapat ang pagpataw ng suspensiyon kay suspek.
Sadyang masalimuot ang pagtanggap sa kung ano mang reklamo at ang paghawak ng kaso.
Hindi naman kaila sa atin na minsan ay nangyayari ang maling hustisya.
Magkamali man ng paggawad ng hatol dito sa ibabaw ng mundo ay mayroong totoong magbibigay ng hustisya.
Igagawad ang kaparusahan sa dapat na paparusahan sa akmang panahon.