‘Taas ihi kahit mali’

NAKAKAGAWA ng pagkakamali subalit sa halip na nakikita ang kamalian ay ginagawa pang magbulag-bulagan.

Kakambal na pagiging bulag sa katotohanan ay ang taglay na kahambugan.

Iyon bang tipo na nakagawa na ng pagkakasala ay mayabang pa sa halip na magpakumbaba.

Hindi kayang humingi ng dispensa dahil ang tingin sa sarili ay mataas at magaling.

Mayroon talagang masyadong ‘mataas ang ihi’ o sobrang pride sa sarili.

Sa kabila na alam naman ang pagkakamali ay sadyang mataas pa rin ang ihi o ere sa utak at katawan.

Ang ganitong klase ng karakter ay masasabing walang kuwentang kasama.

Bakit?

Paanong pakikisamahan ang sobrang ‘taas ng ihi’ na kahit mali na ay matapang pa.

Mahalagang nakikita ang kamalian o kasalanan at kapag ganyan ay iyan ang masarap at magandang nakakasama.

Lalo na kung pagkatapos makita ang kamalian na ang kasunod ay ang paghingi ng pagpapatawad.

Ang matataas ang ‘ihi’ ay mayroong pagbabalat-kayong pag-uugali.

Paano?

Manghihingi naman ng paumanhin subalit sa ‘ilong’ lamang lumalabas.

Ibig sabihin ay peke lamang ang hinihinging kapatawaran at hindi bukal sa kalooban.

Makita at masabi lamang ng nasa paligid ang paghingi ng dispensa.

Hindi naman madadaya ang paningin at damdamin ng kapaligiran kung huwad ang hininging kapatawaran.

Ingat sa mga ganitong uri at kung maaari ay iwasan at layuan na lamang.

Sabi nga, hindi baleng kakaunti lamang ang nakakasama basta ‘mababa ang ihi’ sa pagkakamali at higit sa lahat ay nasa puso ang paghingi ng kapatawaran.

Mas matanda man, mas may posisyon man o ano man ang kalagayan o estado basta nakita ang pagkakamali ay hindi tataas ang ihi.

Tamang igalang ang nakatatanda o ang nasa puwesto subalit ang respeto ay magmumula sa kahit kanino, bata man o matanda.