TAYO AY PULIS, IGALANG ANG ATING UNIPORME- PNP CHIEF  

GANITO ang binitiwang mensahe ni Philippine National Police chief, Gen. Rommel Francisco Marbil nitong nakaraang flag-raising rites sa Camp Crame sa Quezon City.

Ipinaliwanag ni Marbil ang kahalagahan ng dignidad ng kanilang uniporme para sa lahat ng pulis.

May kinalaman ito sa nakitang tagpo ng PNP chief sa selebrasyon ng 123rd Police Service Anniversary kamakailan.

Ilang pulis, partikular ang nasa mababang ranggo, ang pinapayungan ang mga panauhin sa pagtitipon.

Para sa hepe ng pambansang pulisya ay mali ang ganoon dahil ang pagpapayong sa mga bisita ay hindi kasama sa trabaho ng pulis.

Sa halip aniya ay kailangang irespeto ng police uniform upang maipakita ng bawat pulis ang dignidad.

Ipinaalala ni Marbil na bilang isang pulis ay hindi nangangahulugan na magsisilbing bodyguard, driver, o alalay.

Dagdag pa ni Marbil na dapat ay ipamalas ng lahat ng PNP personnel sa publiko na ang bawat pulis ay naiiba na dahil bukod sa maaasahan ay mapapagkatiwalaan pa. RUBEN LACSA