TAZAMA, BUMIDA! SAVE MY SAVINGS, WAGI SA “3YO MAIDEN STAKES RACE”

Bumida ang malayong tersero liyamadong kabayo na si Tazama nung nakaraang linggo sa ginanap na Philracom Rating Based Handicap System (RBHS) Class 4 (28-33 Split) na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan, Batangas. Sakay ng hineteng si J.E. Apellido ay ginulat at binigo ni Tazama ang mga liyamadista lalo na ang mga tumaya at sumuporta sa super outstanding favorite na si Euroclydon na bumenta ng halos dalawang milyon sa winner take all. Sa umpisa ng laban ay nakauna sa paglundag ang puting kabayo na si My Boy Lollipop na nirendahan ni John Alvin Guce, kasabay sa tabing balya ang imported na kabayo na si Euroclydon na pinatungan ni Ryan Base, pangatlo sa gawing labas ang ating bida na si Tazama, kasunod si Eutychus na sinakyan ni Jonathan Calagos, panlima si El Mundo na ginabayan ni Mart Gonzales, pang-anim ang kulay abo na kabayo na si Bisyo Mag Serbisyo na pinatnubayan ni Conrad Henson, pampito si Work From Home na dinala ni Jr De Ocampo, habang ang bahagyang nasalto sa largahan na si Mandatum na lulan ni Rey Adona ang bugaw sa simula. Pagpihit sa back stretch ay bandera pa rin ang quinto liyamado na si My Boy Lollipop, kasunod pa rin ang outstanding favorite na si Euroclydon, nakapanuod sa ikatlong puwesto ang tersero liyamado na si Tazama, dumidikit naman sa ika-apat na posisyon ang kuarto liyamado na si El Mundo, kasabay ang ika-anim sa liyamado na si Bisyo Mag Serbisyo, pang-anim ang segundo liyamado na si Eutychus, pampito ang pangalawa sa pinakadehado na si Work From home, habang ang pinakadehado na si Mandatum ay nanatili sa likuran. Papalapit sa far turn ay nagbakbakan sa harapan sina Euroclydon sa bandang gitna, Tazama sa gawing labas, at si My Boy Lollipop sa tabing balya, habang nagkukumahog sa ika-apat at ikalimang puwesto sina El Mundo at Bisyo Mag Serbisyo ng may dalawang kabayong agwat mula sa unahan. Papasok sa home stretch ay naagaw na ni Tazama ang bandera mula kay My Boy Lollipop, habang pinipilit pa rin na makadikit ni Euroclydon sa ating winning horse. Pagdating sa rektahan ay nagsimula ng lumayo si Tazama sa harapan dahil na rin sa pagpalo at pagkayog ni Jessie at nilingon pa ang kanyang mga katunggali sa likuran. Sumegundo kay Tazama si Euroclydon, tersero si Bisyo Mag Serbisyo at pumang-apat si El Mundo. Bumuo si Tazama ng tiyempong 1:25.4 (14-23′-22′-25′) para sa distansyang 1,400 meter. Sa iba pang karera ay nasungkit naman ng dehadong kabayo na si Save My Savings na nirendahan ni Oneal Cortez ang titulo sa katatapos na 2023 Philracom “3YO Maiden Stakes Race”. Sumegundo kay Save My Savings si Chrome Bell, tersero si Borrowed Heaven, at pang-apat si Destin Guest. Nakapagrehistro si Save My Savings ng tiyempong 1:25.4 (12′-22′-24-26′) para sa distansyang 1,400 meter sapat upang mahamig ang premyong P720,000 bilang 1st prize. Matatandaan na si Borrowed Heaven ang nanaig sa ginanap na “3YO Maiden Trial Race” noong Pebrero 25, 2023.