Transport strike at iba pa

KAILANGAN maintindihan muna kung bakit ba nagkaroon o nagsagawa ng Tigil Pasada ang ilang mga tsuper ng pampasaherong jeepney dito sa Kamaynilaan at mga probinsiya. Bakit nga ba pinangunahan ng grupong PISTON at MANIBELA ang nasabing kilos protesta?

Ano na naman kaya ang pumasok sa isip ni Mody Floranda ang national president ng Pagkakaisa ng Samahan ng Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) at sinuportahan nito ang tigil pasada na pinasimulan ng grupong MANIBELA ni Ginoong Mar Valbuena.. Ayon kay Ginoong Valbuena napagkasunduan ng kanyang grupo na magsagawa ng isang linggong transport strike bilang pagtutol sa planong jeepney modernization ng pamahalaan kahit na ipinaliban pa muna ni President Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr ang pagpatupad ng nasabing jeepney modernization na dapat ay pinasimulan na nuon pa ika-30 ng Disyembre taong 2022 para bigyan ng sapat na oras at panahon ang mga jeepney operators na makagawa ng paraan para makabili ng mga modernized jeepney.

Sa palagay ko, hindi ang Tigil Pasada ang kasagutan o kalutasan sa mga suliranin na kinakaharap ng mga  tsuper at operators hinggil sa umano’y planong pag phase out ng mga public utility jeepneys (PUJ) dapat dito ay pinag-uusapan ng maayos. Sa tuwing nagkakaroon ng Tigil Pasada, ang napinsala ay ang mga inosenteng pasahero na wala namang kinalaman sa problema nila.

At ang mga ganitong pagkakataon ay sinasakyan at hinahaluan na ng mga ibat ibang prenteng Organisasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP), mga grupong kabilang sa National Democratic Front (NDF) katulad na lamang halimbawa ng isang lider na sumali sa nasabing Tigil Pasada na itinaas pa ang kamay ni defeated presidential bet Leni Robredo nuong nakaraang Presidential elections. Mabuti na lamang at maagap ang bagong Regional Director ng PNP NCRPO na si Police MAJOR GENERAL EDGAR ALAN OKUBO dahil isang linggo bago pa isakatuparan ang Tigil Pasada ay nakahanda na si General Okubo at ang kanyang limang police district directors, chiefs of police at sub-station commanders na nagpatupad ng “Oplan Libreng Sakay” para sa lahat ng mga commuters na maaring ma-stranded sa kalye kaugnay ng nasabing Transport Strike. Ganundin ang ginawa ni Police Brigadier General Jose Hidalgo, ang bagong regional director ng Police Regional Office 3 (Central Luzon), nagsagawa din ng “Libreng Sakay” para sa maaapektuhan ng Tigil Pasada sa Central Luzon. Kaya hindi masyadong naging problema para sa mga commuters ang pagbiyahe dahil sa kabila ng Tigil Pasada na ikinasa ng PISTON at MANIBELA ay nakahanda ang mga pulis NCRPO hindi lamang para magbantay ng Katahimikan kundi magbigay ng “Libreng Sakay” gamit ang mga PNP official patrol vehicles.

Samantala, sa Montalban (Rodriguez) Rizal, ang Lokal na Pamahalaan ng Bayan ng Montalban sa pangunguna ni Punongbayan General Ronnie S. Evangelista ay nagkaloob din ng “LIBRENG SAKAY” sa mga ruta na lubhang maaapektuhan ng Tigil Pasada mula sa Bayan ng Montalban hanggang sa Bayan ng San Mateo; sa Marikina; sa Commonwealth at sa Cubao (Vice Versa) simula 6:00 ng umaga hanggang alas Diyes ng gabi at ito ay gagawin ng pamahalaang lokal ng Montalban hanggang bumalik sa normal na operasyon ang mga apektadong ruta.