Pinatunayan ng kabayong si Treasure Hunting na siya ang karapat- dapat na maging top favorite matapos manalo sa ginanap na Philracom Ratings- Based Handicapping System RBHS Class 3 (47-53/54-60 Merged) na ikinasa sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Maganda ang naging diskarte ng hineteng si John Alvin Guce na hindi nakipagsabayan sa unahan upang makaremate ng malupit sa rektahan. Sa simula ng laban ay maganda ang naging salida ng ating bida na si Treasure Hunting, ngunit agad naman na kumaripas sa gawing labas si (4a)Asiong na sinakyan ni John Mheth Guerra upang makuha ang unahan, pangatlo sa bandang gitna si (4)Patong Patong na pinatungan ni Jomer Estorque, pang-apat si Charm Campaign na lulan ni Elvin Abrea, kasunod si Golden Sunrise na pinatnubayan ni Pablito Cabalejo, pang-anim si Bombay Nights na nirendahan ni Jonathan Hernandez, habang si Sari Baby na ginabayan ni John Allyson Pabilic ang kulelat sa umpisa. Pagpihit sa medya milya (800m) ay bandera pa rin ang segundo liyamado na si (4a)Asiong, kasunod ng may apat na kabayong agwat ang paborito na si Treasure Hunting, pangatlo ang kacouple runner ni (4a)Asiong na si (4)Patong Patong, pang-apat ang quinto liyamado na si Golden Sunrise, panlima ang kuarto liyamado na si Charm Campaign, kasabay ang tersero liyamado na si Bombay Nights, habang ang pinakadehado na si Sari Baby ay nanatiling bugaw ng may malayong agwat. Pagpasok sa tres oktabos (600m) ay bandera pa rin ang matulin na si (4a)Asiong, habang nakapanuod sa ikalawang puwesto si Treasure Hunting at naghihintay ng tamang tiyempo, rumeremate naman sa gawing labas si (4)Patong Patong at bumubulusok sa tabing balya si Bombay Nights. Pagsapit sa huling kurbada ay sabay na nagpaparemate sina Treasure Hunting sa gawing labas at Bombay Nights sa gawing loob, nasa ikatlong posisyon naman si (4)Patong Patong at humaharurot si Charm Campaign sa ika-apat. Pagsungaw sa rektahan ay halos magpantay sa unahan sina Treasure Hunting at Bombay Nights ngunit sadyang mas marami pang lakas ang ating winning horse, kaya nung binagsakan ni John Alvin si Treasure Hunting ay tuluyan ng kumawala sa harapan at tinapos ang laban ng may apat na kabayong kalamangan. Pumorkas kay Treasure Hunting si Bombay Nights, pasok sa trifecta si Charm Campaign at si (4)Patong Patong ang bumuo sa quartet. Nirehistro ni Treasure Hunting ang tiyempong 1:38.8 (25′-23-24-26) para sa distansyang isang milya o 1,600 meter.