UST wagi sa Ateneo ng Shakeys Super League Pre-Season Collegiate Women’s Championships

SSL IN ACTION UST – ANGELINE POYOS VS TAKAKO FUJIMOTO – ATENEO

 

NAPANATILI ni University of Santo Tomas lady Tigresses Angeline Poyos ang pagiging matatag upang bumanat ng pag atake sa harap ng depensa ni Takako Fujimoto ng Ateneo De Manila University lady Eagles sa maaksyong tagpo nila sa Shakeys Super League Pre-Season Collegiate Women’s Championships sa Rizal Memorial Sports Complex. (REY NILLAMA)

 

MULING nanatili sa unahan ang
University of Santo Tomas makaraang biguin ang Ateneo de Manila University sa 3 sets straight 25-11, 25-20, 25-17, para manatiling walang talo sa 2024 Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship sa Rizal Memorial Sports Complex. Si Wing spiker Angeline Poyos ay naghatid ng 17 puntos, lahat mula sa mga pag-atake, nang inangkin ng Tigresses ang kanilang ikalimang tagumpay.

Nag-ambag si Jonna Chris Perdido ng siyam na puntos, kabilang ang anim sa unang set, habang umiskor si Regina Grace Perdido ng anim sa kanyang walong puntos sa ikatlo.

Si Margaret Altea ay may tatlong block para matapos na may pitong puntos para sa UST, na nagpunta sa 11-4 run para makuha ang upperhand sa 14-10 sa ikatlong frame.

Umakyat ang Ateneo sa loob ng 14-16, ngunit nanlaban ang UST para tapusin ang laban pagkatapos ng isang oras at 25 minuto. Pinangunahan naman ni Alexis Ciarra Miner ang Lady Eagles na may walong puntos sa limang atake, dalawang block at isang ace.

Makakaharap ng UST ang Far Eastern University habang makakalaban ng Ateneo ang University of the Philippines. Sa iba pang laro, dinaig ng University of the East ang College of Saint Benilde, 25-19, 25-18, 25-23.

Umiskor si Casiey Monique Dongallo ng 16 puntos sa 15 atake at isang bloke para pamunuan ang Lady Warriors sa kanilang ikaapat na panalo. Nagdagdag ng tig-pitong puntos sina KC Cepeda at Jelaica Faye Gajero habang may limang puntos si Riza Nograles sa isang oras at 21 minutong engkuwentro. Si Clydel Catarig ay may 12 puntos habang si Mary Grace Borromeo ay may siyam na puntos para sa Lady Blazers.