LIMAS ang tinatayang P100,000.00 cash, ATM at mga Identification Card (ID) ng 46-anyos na civilian VIP Security makaraang masalisihan siya ng limang suspek sa Gen Trias City, Cavite.
Personal na dumulog sa tanggapan ng Gen Trias Component City ang biktima na si Alvin Enriquez Salamorin, 46, ng Brgy Bacao 1, Gen. Trias City.
Inaaalam ang pagkakakilanlan ng limang lalaki na hindi namukhaan ng biktima.
Sa salaysay ng biktima, nasa loob siya ng kanyang sasakyan na Toyota Innova na may plakang A6A796 at nakaparada sa parking area ng PNB Bank sa Brgy Manggahan, Gen Trias City, bandang alas-10:30 ng gabi.
Kinatok siya ng isa sa mga suspek sa kanang bahagi ng pintuan at sinabihan na may naiwan na spare key sa pintuan ng sasakyan.
Bumaba ang biktima upang tingnan pero ilan sa mga suspek ay sumalisi at tinangay ang kanyang itim na bag na naglalaman ng Identification Card (ID), ATM Cards at P100,000.00.
Huli na ng nalaman na nalansi lamang siya ng mga suspek.
Ipinagbigay alam sa pulisya kung saan nagsagawa ng backtraking sa Closed Circuit (CCTV) para sa posibelng dinaanan at pagkakakilanlan sa mga suspek. GENE ADSUARA