WILD  

KAPAG ganap na nagpaalam sa kalbaryong dulot ng matinding init ng panahon ay natural na may kakaharapin naman na pagsasakripisyo.

Sa pagdating naman sa bansa ng La Nina phenomenon ay apektado pa rin sa kalusugan batay sa iba’t ibang uri ng sakit.

Kaya naman ngayon pa lamang ay may tinawag na ang Department of Health na ‘WILD.’

Ang acronym na WILD ay tumutugon bilang Water and Food-borne diseases, Influenza-like illnesses, Leptospirosis, at Dengue.

Ang mga ganitong uri ng sakit ang kalimitang kumakaway sa naturang panahon.

Sa sandaling nagkakaroon ng mga pag-uulan lalo at malakas bunsod ng bagyo ay asahan na ang pagbaha.

Ang leptospirosis ang matinding kalaban kaya huwag lulusong sa mga baha dahil baka kontaminado ng bakterya ng mga hayop lalo na ang ihi ng daga.

Kung hindi maiiwasan ang paglusong sa baha ay tiyaking maglinis ng katawan o maligo pag-uwi at kapag nagkataon naman na mayroong sugat partikular sa paa ay makabubuting pakonsulta agad sa doktor.

Labanan din ang dengue at huwag hayaang manaig ang mga lamok.

Ang mga inuming tubig ay tiyaking malinis na kung hindi naman sigurado ay maaaring pakuluan kahit sa loob ng dalawang minuto.

Kadalasan umaatake ang ubo, sipon, at sore throat kapag nagpapabagu-bago ang timpla ng panahon.

Tandaan natin ang WILD bilang pangontra at panlaban.